Saturday, March 24, 2012

The Ugly Truth: Bakit “No.1” ang GMA7?



Kamakailan ay naglabas ng pahayag ang GMA-7 na nagpapasalamat sa mga taong tumatangkilik sa kanilang istasyon dahilan upang sila’y maging “Double No. 1” (GMA-7 at GMANews TV-11).

Naturalmente, may mga taong nagtataas ng kilay at hindi sumasang-ayon dito. Bakit ‘ka mo? Kasi karamihan sa mga nanonood sa Metro Manila (MM) ay mga programa ng ABS-CBN ang kanilang tinatangkilik.

ABS-CBN2 vs. TV5 vs. GMA-7
Kung susuriin mong mabuti ang sinasabi ng Siyete, ito ay pumapatungkol sa PANGKALAHATANG Audience Share (AS) o yung mga manonood. Tama naman sila roon. Kung ikaw ay kumukontra sa sinabi ko, narito ang ilang katanungang dapat mong sagutin sa iyong sarili:

  1. Maraming nanonood ng Dos sa MM, eh paano ang ibang panig ng bansa? Ang ilang bahagi ng Luzon? Vizayas? Mindanao?
  2. Kahit saan ka magpunta, malinaw ang signal ng Siyete kaysa Dos at Singko. Hindi ba? Bakit ganoon?
  3. Dahil nga malakas ang signal ng Siyete, sa mga walang Cable, alin ang mas panonoorin na lamang nilang mga programa?
  4. Sa panahon ngayon, humahabol ang TV5. Ano ang ibig sabihin noon?

Narito naman ang hindi gaanong detalyado ngunit pinag-isang sagot para sa mga katanungan.




SA Luzon kasi, hati na ang pinanonood pero marami pa rin ang sa Siyete. Sa Vizayas at Mindanao, mas marami pa rin ang sa Siyete. Ito nga ay sa kadahilanang malinaw ang signal ng GMA.

PINAGTUTUUNAN kasi nila ang kanilang sites para mapalakas ang signal. SIYEMPRE kung alin ang mas malinaw, iyon ang panonoorin. Bakit ka nga naman manonood sa malabo na kahit ang antenna sa labas ay hindi umuubra? Para mapalinaw mo ‘yun dapat naka-Cable ka. Eh sino ba ang naka-a-afford magpakabit noon? Sa panahon ngayon, mahirap ang buhay, uunahin pa ba nila ang magpakabit ng Cable para mas mapalinaw yung pinanonood nila kaysa pambili ng pagkain nila?

Isa pa, humahabol na ang TV5 ngayon, ang IBIG SABIHIN nito, naghahati-hati na ang 3 Malalaking Istasyon ng Telebisyon sa AS.

GMANewsTV vs. AKSYONTV vs. ANC
Dito, kitang-kita mo kung alin talaga sa tatlo ang mas pinanonood na News Channel. Alin sa tatlo ang pinakamalinaw? Alin ang mas kilala? Alin ang napanonood sa Local TV at sa Cable?

Sa GMANewsTV, hindi lang puro balita meron, may Entertainment pa rin. Updated ka na, nalilibang ka pa.

Sa AKSYONTV, may balitaan din ngunit madalas na ipinalalabas ay iyong mga taong nasa Radio Booth na nagbabalita o nag-uusap. Sino ba ang gaganahang manood ng ganoon? Eh di sana nakinig ka na lang sa Radyo Singko News FM 92.3

Pananaw
Paglilinaw lang, hindi ako Kapuso. Hindi rin ako Kapamilya, Kapatid, Kasama, Kabarkada, Kaibigan o kung anu-ano pang KA- d’yan. Tinitimbang lang natin ang na-oobserbahan natin.

Sa huli, nasa sa atin pa rin kung maniniwala tayo sa sinasabi nila o hindi. Ang mahalaga, tayo ay marunong magpahalaga sa maganda at may kalidad na programa, at tayo ay may natututunang aral at kagandahang-asal sa ating napanonood.

(First published at pontificatephils on January 14, 2012 at 12:00 AM)

No comments: